BotiCARD, nagdiwang ng ika-15 taong paghahatid ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa komunidad
Nagdiwang ang BotiCARD, isang parmasya sa ilalim ng CARD Mutually Reinforcing Institutions
(CARD MRI), ng kanilang ika-15 anibersaryo noong Mayo 20, 2026 sa Paulino Branch nito sa
San Pablo City, Laguna. Isinagawa ang selebrasyon sa pamamagitan ng paghahatid ng mga
libreng serbisyong pangkalusugan tulad ng konsultasyon sa doktor, bunot ng ngipin, at pagmo-
monitor ng blood pressure.
Bukas ang mga serbisyong ito para sa mga kliyente ng mga financial institution ng CARD MRI,
kanilang mga anak, pati na rin sa mga residente ng komunidad. Namahagi rin ang BotiCARD ng
libreng bitamina tulad ng B-complex, multivitamins, ascorbic acid, non-acidic supplements, at
vitamin C para sa mga bata. Patuloy ding nakatatanggap ng 20 hanggang 28 porsiyentong
discount sa pagbili ng mga gamot sa mga sangay ng BotiCARD ang mga kliyente ng CARD
MRI.
Bahagi ang mga libreng serbisyong ito sa layunin ng BotiCARD na maghatid ng abot-kaya at
de-kalidad na gamot sa mga komunidad. Ayon kay BotiCARD CEO Florife T. Reynido, pinili
nilang ipagdiwang ang anibersaryo sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad upang
mahikayat ang komunidad na pangalagaan ang kanilang kalusugan. “Para kapag senior citizen
na tayo, malalakas at masisigla pa rin tayo,” saad niya sa mga kliyente ng CARD at residente
ng komunidad na dumalo sa programa.
Sa loob ng 15 taon, ang BotiCARD ay lumawig sa 27 sangay sa iba't ibang lalawigan sa Luzon,
Visayas, at Mindanao. Patuloy rin itong nagsasagawa ng mga programa upang mas mapalapit
ang mga gamot at serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, kabilang rito ang over-the-
counter (OTC) medicine counseling kung saan binibigyang gabay ng mga pharmacist ang mga
mamimili sa tamang paggamit ng gamot.
Nagpatupad din ang BotiCARD ng mga programang tulad ng BotiCARD Health Plus (BH Plus),
na nagsusuplay ng bitamina, maintenance medicine packages, at emergency medicines para
sa mga kliyente ng CARD bilang bahagi ng kanilang insurance. Mayroon din itong Buy Now,
Pay Later (BNPL) na sistema para sa pagbili ng gamot at iba pang pangunahing
pangangailangan ng mga empleyado ng CARD MRI.
Nagpasalamat naman si BotiCARD Chairman Rosenda P. Aquino sa patuloy na suporta sa
BotiCARD sa loob ng 15 taon. Aniya, mananatili silang nakatuon sa paghahatid ng abot-kaya at
de-kalidad na serbisyong pangkalusugan at patuloy na maghahanap ng mga bagong paraan
upang matugunan ang mga makabagong pangangailangan sa kalusugan ng mga komunidad.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang libreng gupit, free taste ng herbal coffee, at mga raffle
promo. Dumalo rin sa programa sina CARD MRI senior advisers Grace Contreras at Dr.
Lorenza dT. Bañez, kasama ang mga empleyado ng BotiCARD at mga kliyente ng CARD.
No comments